Isa sa mga unang tinitiyak ng mga interviewer ay kung tunay ngang interesado ang isang aplikante na makuha ang isang bakanteng posisyon sa kanilang kumpanya.
Ginagamit nila itong sukatan upang matukoy kung sino sa mga kandidato para sa posisyon ang magtatagal at hindi basta magkakaroon ng dahilan na mag-resign.
Natural lamang para sa kanila na piliin ang aplikante na may genuine interest sa trabahong gusto n’yang pasukin. Sa madaling salita, malaki ang lamang sa iba ng isang aplikante na may tunay na interes sa ina-apply-ang trabaho.
Paano n’yo magagamit ang advantage na ito sa inyong paghahanap ng trabaho? Narito ang ilang tips na makatutulong sa inyo.
~~~
Maging totoo sa inyong sarili. Kung hindi kayo interesado sa mismong trabaho, pag-isipan muli ang pag-apply.
Marami pa ring career seekers sa panahon ngayon ang naghahanap ng trabaho batay lang sa kasikatan ng kumpanya. Hindi nila masyadong iniisip kung ano ang katangian ng trabahong nakalagay sa job ad.
Kapag ganito ang inyong ginawa, mahahalata lang ng interviewer na hindi kayo sa mismong trabaho interesado kundi sa pagiging bahagi ng isang tanyag na kumpanya.
Para maiwasan ito, pag-isipan ng mabuti kung gusto n’yo ba talaga ang trabahong naka-advertise. Nakikita n’yo ba ang inyong sarili na buong-loob na ginagawa ang trabahong ito sa inyong pamamalagi sa kumpanya? Kung ang sagot ay hindi, humanap kayo ng ibang vacant position sa pareho o iba pang kumpanya na mas akma sa inyong personality.
Magsaliksik tungkol sa trabahong inyong napili.
Isa sa mga pinaka-nakahihiyang maaaring mangyari sa isang interview ay ang ma-blangko o mawalan ng sasabihin. Ngunit ‘wag mangamba! Ito ay isang bagay na napaghahandaan.
Makabubuti sa inyong pagsabak sa interview na meron kayong batayang kaalaman tungkol sa trabaho. Kung ito ay akma sa inyong pinagtapusang kurso, madali na ang mag-review ng iyong mga natutunan at makipagsabayan sa mga tanong ng interviewer.
Kung ang vacant position naman ay bahagyang konektado lang sa inyong natapos na kurso, saliksikin ito ng maayos upang makapagbahagi ng mahalagang kaisipan habang kausap ang interviewer.
Ipakita na may hangarin kayong paunlarin ang vacant position na hahawakan ninyo.
Karaniwang naghahanap ang mga employer sa panahon ngayon ng panibagong team members na may kakayahan at pagnanais na i-improve ang posisyon na kanilang hahawakan. Malaki ang maitutulong ng mga ganoong klase ng empleyado sa pagpapaunlad ng kumpanya sa kabuuan.
Pag-isipan ninyo ng mabuti kung ano pa ang mga pwede ninyong i-improve sa mga proseso, estratehia, at diskarte na ginagamit sa inyong magiging trabaho. Ipakita sa interviewer na hindi kayo papasok lang araw-araw para gawin ang nakagawian o ang karaniwan. Magbigay ng mga halimbawa ng innovations na nais ninyong ipatupad.
Magsaliksik tungkol sa kumpanya, at magtanong sa inyong interviewer upang mapalalim ang pang-unawa sa mga nasaliksik na ito.
Sa kabuuan, makadadagdag sa inyong tsansa na ma-hire ang pagkakaroon ng makabuluhang palitan ng idea sa inyong interview. Makikita ng interviewer na isinasaisip n’yo ang mga mas malalalim na dahilan at konsiderasyon sa mga bagay-bagay, lalo na ang tungkol sa kumpanya nila at kung paano ito kumikilos.
Kung kayo ay nakapaghanda ng mga nasaliksik na kaalaman tungkol sa bakanteng posisyon na gusto n’yong makuha, magtanong sa interviewer kung tumpak ang inyong nasaliksik.
~~~
Layon ng mga tips na ito na matulungan kayong mag-iwan ng magandang impression sa inyong interviewer. Kung maaari, humingi ng tulong sa inyong pamilya o mga kaibigan upang magsanay sa paggamit ng mga ito.
Gamitin ang mga iminungkahi namin sa paghahanda para sa inyong susunod na mga interview, at ipakita ang inyong interes sa inyong ina-apply-ang trabaho!