Pagdating sa paghahanap ng trabaho, ang job interview ang isa sa mga pinaka-mabusising pagsusulit na maaari mong pagdaanan. Malaking bahagi ito ng posibleng pagpasa at pagka-hire ng isang aplikante, dahil nasusuri nito ang maraming mga bagay na may kinalaman sa kakayahan at karakter mo bilang professional.

Ngunit minsan, may mga aspeto ng job interview na nakaliligtaan natin kaya’t hindi nagiging realistic ang expectations natin sa silbi at resulta nito. Narito ang tatlo sa mga pinakamahahalagang realidad tungkol sa mga job interviews na makabubuting lagi nating tandaan.

ANG JOB INTERVIEW AY ISANG PROSESO NG PAGHAHAMBING NG MGA APLIKANTE.

Maaaring isipin natin na sapat na ang isang job interview sa isang aplikante para ma-hire. Kung nakapagbigay naman ng komprehensibong pagtataya ng kanyang mga kakayahan at experience ang isang aplikante, hindi ba dapat s’ya na ang kunin?

Hindi ganoon ka-simple ang proseso ng job interview. Mula sa pananaw ng team o department na nagpapatulong sa mga recruiter ng kumpanya na makahanap ng tao, mas magandang magkaroon ng mga pagpipilian. Ito ang dahilan kaya bihirang-bihira ang pagha-hire pagkatapos lamang makapag-interview ng iisang aplikante. Natural lamang sa isang kumpanya na tiyaking makukuha nila ang best of the best.

Isa rin itong dahilan kung bakit hindi instant o madalian ang interview process. Kadalasan ay magkakaibang araw nag-aapply ang mga aplikante para sa isang posisyon, kaya’t hindi lahat sila ay mai-interview sa magkaparehong araw. Hihintayin ng kumpanya na lahat sila ay ma-interview bago magpasya kung sino ang kukunin.

ANG RESULTA NG JOB INTERVIEW AY SINUSUPORTAHAN NG IBA PANG MGA PARAAN NG PAGSUSURI.

Madaling isipin na ang job interview ang huling sukatan ng eligibility ng isang aplikante para sa kanyang ina-apply-an na trabaho. Maipasa lamang ito, mataas na ang posibilidad na ma-hire.

Ngunit may iba pang methods na ginagamit ang mga interviewer upang matiyak na makukuha nila ang best-fitting na aplikante para sa posisyon at para na rin sa kumpanya. Maliban sa pagbibigay ng exam, tandaan na manghihingi din sila ng reference persons na maaaring mag-verify ng mga sinabi mo sa interview. Pwede ka ring sumailalim sa isang practical test, para ipakita ang antas ng kasanayan mo sa mga kakayahang nabanggit mo na meron ka.

Kaugnay nito, makabubuting maging totoo sa bawat isasagot sa interview dahil madaling natutukoy ang false information sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng pagsusuri.

INAALAM DIN SA JOB INTERVIEW ANG IYONG ATTITUDE.

Hindi lamang mga karanasan sa trabaho o kaya ay kahusayan sa kinuhang kurso ang sinusubukang alamin ng isang magaling na interviewer. Kung s’ya ay bihasa sa prosesong ito, kaya din n’yang tukuyin ang personality at attitude ng isang aplikante ayon sa kung paano ito sumagot sa mga tanong.

Kayang tukuyin ng interviewer kung nagsisinungaling ang aplikante, o kung hindi s’ya kampante sa sarili n’yang kakayahan. Nababasa din sa interview ang mga tunay na layunin ng isang aplikante sa pag-apply. Higit sa lahat, mababasa ng interviewer ang mga pananaw at ugali ng aplikante sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa trabaho at sa magiging work environment n’ya.

Ibig sabihin, hindi lang ang kaya mong gawin ang mahalaga para ma-hire ka. Maging tiyak sa layunin mo sa pag-apply at maging professional sa lahat ng oras. Maaaring dito nakasalalay kung maipapasa mo o hindi ang interview.

Hindi maikakaila ang halaga ng job interview; nakaka-pressure ito, at may mabigat na epekto sa iyong tagumpay sa pag-apply. Pero hindi ito dapat ipangamba kung iyong tatandaan ang mga realidad na kalakip nito na maaari mong gamitin bilang advantage.