Gamit ang social media, madali tayong nagkakaroon ng komunikasyon sa iba’t ibang tao. Mula sa mga kaanak at kaibigan, hanggang sa mga grupo kung saan nais nating mapabilang, madali nating naaabot ang mga taong hindi naman natin direktang kausap o kaharap sa kasalukuyan.
Isa sa mga gumagamit ng social media upang makausap ang maraming tao ay ang mga employers na humihikayat sa mga naghahanap ng trabaho na subukang mag-apply sa kanila. Kalimitang nagpo-post ang mga employers ng job ads at iba pang kahalintulad na abiso sa kanilang mga official page.
Kung ating susuriin, hindi lahat ng gumagamit ng social media sa paghahanap ng trabaho ay may sapat na kasanayan para masulit ang pag-browse sa social media pages ng mga employers. Narito ang ilang mga paalala para maging higit na kapaki-pakinabang para sa inyo ang teknolohiyang ito.
Tiyaking tunay at hindi kinopya o ginaya ang page
Maraming mga kumpanya ngayon ay nagpapa-verify sa social media provider ng kanilang official page. Ang kadalasang ginagamit na palataandaan para sa mga verified na page ay kulay-puti at bughaw na check mark katabi ng pangalan ng page.
Ngunit kung walang palatandaan, pansinin ang kabuuang kaayusan ng page na inyong binuksan. Angkop ba ang disenyo nito para sa isang lehitimong employer? Professional ba ang pananalita at mga larawang ginagamit dito?
Tingnan din kung kailan sila huling naglabas ng post. Ang mga fake page ay maaaring hindi name-maintain ng mabuti o palagian, dahil na rin hindi naman mga tunay na social media managers mula sa lehitimong kumpanya ang gumawa ng mga ito.
Puntahan ang main page
Sa oras na inyong matiyak na hindi peke ang page, puntahan agad ang kanilang main page. Dito makikita ang mga pinakabago nilang posts, lalo na kung tungkol sa mga bakanteng trabaho. Madalas, naka-high priority ito sa pinakatuktok ng kanilang page kaya madali itong makikita ng lahat ng naghahanap ng trabaho.
Sa ganitong paraan, hindi na masasayang ang inyong oras sa paghalukay ng mga naunang post.
Tingnan ng mabuti ang date ng mga post
Pansinin kung anong petsa na-post ang isang job ad, lalo na kung naka-share lang ito sa page ng iba. Maaaring matagal nang na-post ang job ad, kung kaya’t hindi na naghahanap ang kumpanya ng pupuno sa bakanteng trabahong nakalagay dito.
Basahin ang kabuuan ng post
Ang anumang posts sa official page ng isang kumpanya ay tiyak na dumaan sa masusing editing bago nailathala. Kabilang sa mga sinusuri dito ang pagiging wasto at kumpleto ng mga detalye, lalo na kung ang post ay tungkol sa mga bakanteng trabaho.
Malaking tulong ito sa mga naghahanap ng trabaho dahil madaling makikita kung ano ang job description, qualifications, at proseso ng pag-apply para sa trabahong napili. Madali ring makikita ang contact details ng kumpanya.
Sa madaling salita, lahat ng kailangang malaman ng mga gustong mag-apply ay makikita na sa isang maayos na job post. Tiyakin lamang na basahin ang kabuuan nito bago magpasya kung magpapasa ng application.
Magpadala ng direct message
Sakaling may karagdagan pang mga katanungan na hindi nasagot sa pagbasa ng post, magpadala ng mensahe sa mga namamahala ng page. May sariling messaging function ang karamihan sa mga ginagamit na social media providers ngayon. Tandaan lamang na maging prupesyonal sa pakikipag-usap sa mga namamahala ng page.
Mag-like, subscribe, o follow sa page
Upang matiyak na lagi kayong makatatanggap ng anumang update mula sa isang kumpanya, gamitin ang mga Like, Subscribe, o Follow options na makikita sa kanilang page. Sa ganitong paraan, hindi n’yo na kailangan pang tandaan ang pangalan ng page at i-manual search pa ito sa social media website na ginagamit n’yo.
Maliban doon, lalabas din ang mga posts nila sa inyong new feed at padadalhan kayo ng notifications ng mga posts nila, kaya malaman n’yo agad kung may bago silang bakanteng trabaho o may mga aktibidades sila na may kinalaman sa paghahanap ng trabaho.
Laging tandaan ang mga tips na ito upang inyong masulit ang hatid na accessibility at convenience ng social media sa inyong paghahanap ng trabaho!