Nakatutulong ang pagiging focused sa paghahanap ng trabaho, pero minsan nagiging sarado ang isip natin kapag nasobrahan nito. Hindi natin nakikita ang iba’t ibang anggulo ng mga sitwasyon, lalo na pagdating sa pakikipag-transaksyon sa mga recruiter ng isang kumpanya. Kaya’t nagkakaroon tayo ng mga maling pag-aakala tungkol sa mga dahilan ng mga ginagawa nila (at mga hindi nila ginagawa.)

Naisipan namin na makabubuti para sa inyo na buwagin ang mga maling akalang ito, dahil maraming pagkakataon ang maaaring masayang kung may masasabi o magagawa kayo na makasisira sa professional image ninyo. Narito ang mga pinaka-karaniwang maling akala ng mga aplikante:

1. Kapag hindi ka na pinabalik, kulang ang qualifications mo.

Laging tatandaan na ang recruitment team ng isang kumpanya ay humahawak sa higit sa isa o dalawang vacancies sa anumang oras. Normal sa isang kumpanya ang mawalan ng tauhan, kung kaya’t lagi rin silang naghahanap ng papalit.

Hindi ka man natawagan para sa posisyong in-apply-an mo, maaaring kunin ka nila para sa ibang trabaho kung saan mas angkop ang kakayahan at experience mo. Sa madaling salita, hindi ka kinulang sa qualifications; hindi lang tugma ang meron ka sa kailangan nila para sa in-apply-an mo.

2. May favoritism ang mga interviewer.

Lahat ng aplikante ay binibigyan ng pantay na pagkakataong kumbinsihin ang recruiter o ang kumpanya na i-hire sila. Ngunit hindi nito ibig sabihin na pantay din ang magiging evaluation sa lahat. Nakabatay pa rin evaluation ng isang aplikante sa kung ano ang ipinakita nila sa pagsusulit at sa interview, at doon magkakatalo ang lahat ng nag-apply.

Natural lang na magkaroon ng nangunguna at nahuhuli, dahil ang layunin pa rin ng kumpanya ay hanapin ang best candidate para sa bakante nilang posisyon. Hindi naman nila maaaring kunin ang lahat ng nag-apply.

3. Hindi na tumatawag ang mga recruiter para ipaalam na hindi ka pumasa dahil wala na silang pakialam.

Isa ito sa mga maling akala na madalas ay simple lang ang pinag-uugatan: tama o kumpleto ba ang contact information na ibinigay mo? Pinapatay mo ba ang mobile phone mo o hinahayaan itong mawalan ng power ng matagal? Tinitingnan mo pa ba ang email inbox mo?

Maaaring kino-contact ka na ng kumpanya para bigyan ka ng update, pero kung cannot be reached ka naman ay talagang walang makararating na balita sa iyo.

Ito ang mga maaari mong gawin sa halip na magpadala sa mga maling akalang nabanggit:

  • Panatilihing bukas ang pakikipag-komunikasyon sa mga kumpanya. Maaaring may iba pa silang posisyon na mabakante kung saan mas akma ang mga kakayahan mo.
  • Maging professional sa pakikipag-usap, lalo na kung may hinihingi kang impormasyon sa kanila. Hinding-hindi nila makakalimutan ang ugali mo, kaya’t tiyakin na wala silang masasabi tungkol dito. Iwasan ang mag-rant tungkol sa kanila o kaya ay mag-post ng hindi kaaya-ayang feedback sa kanilang social media, lalo na kung walang matibay na patunay at hindi ka naman sigurado sa hinala mo.
  • Laging tandaan na ang paghahanap ng trabaho ay isang competitive na aktibidad, at walang obligasyon ang isang kumpanya na magbigay ng pabor sa aplikante na tingin nila ay hindi nababagay sa isang posisyon. Ika nga: “No one owes you anything.”