Isang malaking tagumpay para sa isang careerseeker ang makakuha ng job interview sa isang kumpanya. Bunga ito ng kanyang pagsisikap na mag-apply. Isa itong pagkakataon na hindi dapat sayangin, ngunit may posibilidad na ganun nga ang mangyari kung hindi ito paghahandaan, lalo na sa araw bago ang mismong interview.

Tutulungan namin kayo sa bagay na ‘yan! Naniniwala kami na ang matagumpay na interview ay nagsisimula sa araw bago ito gawin. Narito ang mga pangunahing paghahandang makatutulong sa inyo na masulit ang naka-schedule ninyong interview.

Ayusin na ang lahat ng dadalhin

Tulad ng paghahanda para sa isang biyahe, maaaring may makalimutan kayong dalhin kapag lastminute ninyo inayos ang mga dadalhin sa interview. Maaga pa lang, tiyaking magkakasama na ang mga mahahalagang documents gaya ng resumé, portfolio, at iba pang mga kagamitan gaya ng mga panulat. ‘Wag ding kalimutan ang malinis na inuming tubig at kaunting snacks, pamalit na damit, at proteksyon laban sa biglang pagbabago ng panahon.

Planuhin ang budget

Mahirap kapusin ng panggastos kapag nasa ibang lugar ka, lalo na kung hindi gaanong pamilyar ang mga nadadaanan mo. Tiyakin na may sapat kang pera para sa lahat ng mga posibleng gastos mo sa pagpunta sa interview, mula sa pamasahe hanggang sa pang-kain at maging para sa mga hindi inaasahang gastos.

Planuhin ang ruta

Sayang ang interview kung hindi mo naman alam kung paano makarating sa venue, o kung maligaw ka. Itakda kung saan magsisimula ang pag-commute mo, at alamin ang mga pwedeng masakyan at ang mga ruta papunta sa venue. Magtanong sa mga nakaaalam sa lugar, o kaya ay gumamit ng navigation application o online map.

Ihanda na ang aalmusalin

Dahil nga hindi magandang ma-late sa interview, makabubuting ihanda na lahat ng pwedeng ihanda the night before. Siyempre, ang almusal ay pwedeng lutuin na sa gabi, at ilagay sa maayos na container sa refrigerator para madaling kainin sa umaga bago umalis. Kung wala namang refrigerator, maaaring maghanap ng mabibilhan ng pagkain na ready to eat. Maaari kayong makatipid ng halos kalahating oras sa ganitong paraan.

Mag-rehearse ng pagsagot

Kahit na hindi mo tiyak ang eksaktong mga itatanong, dapat sa puntong ito ay nakapagsaliksik ka na ng mga mahihirap na tanong na maaaring lumabas sa interview. I-kundisyon ang sarili na makinig ng mabuti at harapin ang mga tanong na may malinaw na mensaheng nais ipahayag sa bawat sagot.

Ihanda na ang isusuot

Mas madaling magpasya kung anong isusuot kung hindi gahol sa oras. Bago magpahinga, ilabas na ang damit na gagamiting para sa interview at tiyaking malinis at plantsado ito. Ihanda na rin ang babauning pampalit, kung sakaling kailanganin.

Magpahinga sa tamang oras

Ang pinakamahirap na mawalan ka kapag may job interview ay maayos na tulog. Mabigat ang epekto nito sa kalistuhan mo, at maaari ka pang sumpungin. Kung ayaw na maging sabaw sa interview, siguraduhin na pagkatapos ng lahat ng paghahanda ay sapat pa ang natitirang oras para sa pagtulog. Subukang matulog ng tuloy-tuloy ng hanggang pito o walong oras, at iwasang bumalik sa pagtulog kapag napaaga ng kalahati hanggang isang oras ang paggising.

Laging isaisip na bahagi ng tagumpay ninyo sa interview ay nakasalalay sa inyong paghahanda. Gamitin ng wasto ang 24-oras na meron kayo bago ang inyong interview upang pataasin ang posibilidad na kayo ay ma-hire!