More entries, more chances of winning!” ang sinasabi sa mga patalastas ng iba’t ibang pa-raffle or promo. Kung bunutan din lang, tama naman: kung mas maraming bola ang may pangalan mo, mas mataas ang posibilidad na ikaw ang mabunot.

Pero ang paghahanap ng trabaho ay naiiba sa bunutan. Hindi sapat ang magpasa lang ng resumé sa gusto mong pasuking kumpanya. Kailangan mong sumailalim sa buong proseso: mga pagsusulit, interview, background verification, at iba pa. At kung paulit-ulit mo itong gagawin, malabong maipasa mo ang karamihan sa mga application mo.

Oo, tama ang nabasa mo. Mahihirapan kang ipasa ang mga job application mo kung sangkaterba sila. At narito ang mga dahilan kung bakit.

NAKAKA-DISTRACT AT NAKAKAPAGOD.

Alam naman natin na mahirap pumasa sa job application kung hindi nakatuon ang buong pansin at pagsisikap mo dito. Hindi ka makakapag-focus kung masyado kang maraming iniisip at ginagawa.

Kung araw-araw ka nagpapasa ng application, araw-araw ka gumigising ng maaga para mag-browse ng job portals, maglibot at mag-inquire, dumalo sa mga jobs fairs, at iba pang mga gawaing kalakip ng paghahahanap ng trabaho. Lagi kang pagod, problemado kung nakapasa ka sa pagsusulit o interview, at nag-iisip ng paraan para pagkasyahin ang budget habang wala ka pang trabaho. In short, haggard ka at hindi ka focused. Kaya apektado ang performance mo sa bawat pag-apply.

‘Wag ilagay ang sarili sa ganitong sitwasyon. Mag-set lang ng manageable na dami ng applications na kaya mong ipasa at i-track ng maayos, para hindi ka ngarag.

BAKA MAGKAROON NG SCHEDULING CONFLICT.

Marami ka ngang pinasahan ng job application, pero hindi mo naman kayang hatiin ang katawan mo.

Maaaring mangyari na may magkakasabay na appointment ka sa lahat ng kumpanyang tinawagan o pinadalhan mo ng resumé. Hindi maiiwasan na magiging priority mo ang isa o dalawa lang sa mga ito. Paano kung magaganda lahat ‘yung opportunities? Sayang naman ‘di ba.

Kung kinakailangan talaga na mag-apply sa higit sa dalawa o tatlong kumpanya, i-stagger ito o gawing salitan para bumaba ang posibilidad na magkasabay-sabay ang appointment mo sa kanila.

HINDI EFFICIENT ANG PAGGAMIT MO NG LIMITADONG RESOURCES.

Sa paghahanap ng trabaho, gumagamit ka ng mahahalagang resources tulad ng pera, panahon, at maging ang pansarili mong pisikal na lakas.

Ayos lang na gamitin ang mga ito, basta umuusad ang paghahanap mo ng trabaho. Ngunit kung sagad na ang gastos at pagod mo sa pag-apply araw-araw kahit na wala ka namang napapala sa mga nilalapitan mong kumpanya, sayang lang din. Napunta sa wala ang ginamit mong pera, panahon, at lakas.

Sa halip na i-pressure ang sarili na ubusin ang lahat ng resources na ito, planuhing mabuti ang bawat hakbang na gagawin mo sa paghahanap ng trabaho. Tanggapin na may mga opportunities na hindi worth it ang gagastahin mong pera, oras, at lakas. ‘Wag magpadalos-dalos at tantyahin ang magiging progress mo sa pipiliin mong opportunity.

Hindi nakukuha sa paramihan ng apply ang paghahanap ng trabaho. Isa itong aktibidad kung saan kinakailangan mong maging masinop at magtakda ng tiyak na layunin. ‘Wag magpabitag sa konsepto =ng “more entries”; mas makatutulong pa sa pag-abot mo sa goals mo ang pagkakaroon ng maayos na plano sa paghahanap ng trabaho.